NUESTRA SEÑORA DE LA PAZ Y BUEN VIAJE, REINA DE NOVELETA

ni John Patrick Palustre

Tinatawag ding Birhen ng Antipolo at mas kilala ng mga deboto sa Noveleta bilang si Nanay Paz. Siya ang Ina ng ating parokya ng Iglesia Filipina Independiente sa bayan ng Noveleta, Cavite. Ang tagapamagitan sa Diyos. Pumapangalawa sa Mahal na Patrong Sta. Krus. Nakikilala bilang tagapanatili ng kapayapaan at gabay ng mga manlalakbay.

Sa kasaysayan, ika-13 ng Nobyembre, taong 1955, araw ng Linggo, ang imahe ni Nanay Paz ay marangal na sinalubong ng mga mananampalataya sa Barrio San Jose sa pangunguna ni Reberendo Monsinyor Agustin Polintan. Sa saliw ng tugtog ng banda ng musiko ay buong pusong sinalubong at tinanggap ng mga Aglipayano ang imahen ni Nanay Paz. 

Ang imahe ay ipinagawa sa pangunguna ni Theresa at mga kasama, at sang-ayon sa kagustuhan ng Mahal na Birhen ay iluklok siya sa paanan ng Krus. Dahil dito, ang Mahal na Birhen ay iniluklok sa altar ng Simbahang Sarili, sa paanan ng Mahal na Patrong Sta. Krus at nanatili doon ng mahabang panahon.

Maraming mga panalangin at kahilingan sa Diyos ang natupad sa pamamagitan ng Mahal na Birhen. Gayundin ang kaligtasan ng lahat ng mga manlalakbay lalo na sa mga nagtutungo sa ibang bansa. Tunay na itinuturing ng mga mananampalataya na isang Ina, ang maluwalhating paggabay sa paglalakbay ay hinihiling ng mga nagbalak manirahan o magtrabaho sa ibang bansa.  Karamihan ng mga debotong napagbigyan ng pagkakataong mangibang bansa at nagkaroon ng magandang-palad ay nagbibigay puri sa Diyos at sa nagpapasalamat sa pamamatnubay ni Nanay Paz. Hindi rin matatawaran ang maraming pagpapatotoo ng mga buong-pusong naglingkod sa altar ng IFI ng Noveleta bilang Sakristan o Deaconesa na nabigyan ng pagkakataon na mangibang-bansa at palarin sa kani-kanilang kinaroroonan.  

Samantala, kahit saan tayo naroroon si Nanay Paz ang tagapagtaguyod ng Kapayapaan, ang nagdudulot sa atin ng mabuting paglalakbay sa landas ng ating buhay dahil sa halimbawa niyang taos at marubdob na pananalig sa Maykapal.  Isa rin ang imahe ni Nanay Paz na dahilan kung bakit maraming mga kapatid natin sa ibang bansa ang umuuwi upang makisayaw sa karakol tuwing Mayo.

Bukod sa pagkakarakol tuwing Mayo dos na dinarayo ng libu-libong mananampalataya, ipinagdiriwang ang kapistahan ng kanyang pagdating at pagkakaluklok sa parokya tuwing ika-labing tatlo ng Nobyembre sa pamamagitan ng pagdaraos ng nobena at prusisyon.

One response to “NUESTRA SEÑORA DE LA PAZ Y BUEN VIAJE, REINA DE NOVELETA”

  1. Very nice!

    Like

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started